LUMAD BAKWIT SCHOOL SA UST 2018
Badillo, Bataun, Carmona, Chan, Fangonilo, Go, Gedorio, Jungco, Razalan, Su
CWTS-CPHA14 – University of Santo Tomas
Sa likod ng magagandang kulay ng likha, may madilim at mapuot na kwento na nagtatangkang buksan ang isipan ng bawat Pilipino na ang gobyerno ay masahol pa kaysa sa iniisip natin. “Magtatagumpay ba tayo sa nais nating ipaglaban, na dapat ang bawat isang pilipino ay may pantay pantay na estado sa lipunan?” Bago pa magsimula ang pakikipagkwentuhan kasama ang mga kapatid na lumad, kami ay nakakita ng mga larawan na itinampok sa loob ng seminary gym. Bumungad samin ang mga iba-ibang larawan ng mga napahamak at napatay na ng dahil sa ngyayari sa Mindanao. Dito namin napagtanto ang kahalagaan ng buhay.
“Mahirap magbakwait. Mahirap mamuhay sa lugar na di mo nakasanayan. Pero mas mahirap kung mawawalan kami ng paaralan… Para na ring nawalan kami ng lupa, ng kinabukasan”. Ito ay isang pahayag ng isang mag-aaral ng Lumad Bakwit School. Bagama’t sila’y nahihirapan, ipinagpapatuloy nila ang pagpapalipat-lipat ng tirahan upang makapagbigay ng kamalayan sa ibang tao at maipaglaban ang kanilang karapatan. Sa tulong ng mga bakwit school, naibabahagi ng mga lumad ang kanilang napagdaanan sa Mindanao at nakahihingi ng suporta mula sa iba. Ang kanilang mga storya ay nagsisilbing “eye-opener” upang magdulot ng kamalayan sa tunay na nangyayari sa Mindanao dahil sa giyera sa pagitan ng Philippine Army at New People’s Army (NPA) nang sa gayon ay makagawa tayo ng paraan upang sila’y suportahan at tulungan makamit ang kanilang adhikain. Kaya’t ang pakikilahok ng unibersidad sa Lumad Bakwit schools ngayong taon ay isang magandang pangitain dahil maraming estudyante, lalo na ang hindi malay sa nangyayari, ay namumulat. Isa sa core values ng UST ang compassion kaya’t bilang isang Katolikong institusyon, ito ay nakikiisa sa laban ng mga lumad upang maipakita sa kanila na isa tayo sa kanilang laban. Ang mga bakwit school din ay naglalayong ituloy ang pag-aaral ng mga lumad, na kung aalahanin ay natigil dahil sa gulo sa Mindanao.

Namulat ang aming mga puso at isipan matapos ang aming pagdalo sa Lumad Bakwit School sa UST 2018 noong nakaraang Setyembre 16. Bumungad sa amin ang ating mga kababayan Lumad mula sa Mindanao na kasalakuyan nakararanas ng ipinatupad na “Martial Law” ng ating presidente.Nilalayon ng Lumad Bakwit School sa UST 2018 na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga masasamang nararanasan nila sa Mindanao. Pinagkakaitan ng kalayaan at karapatan na mag-aaral ang mga bata at kabataan. Pinapatay na lamang ng basta-basta ang mga sibilyan. Dagdag pa, nais nilang iparating na kahit na patuloy silang inaatake ay mananatili ang kanilang paglaban para sa kanilang karapatan at pagprotekta ng kanilang lupain at sarili. Lingid sa kaalaman ng mga tao sa labas ng Mindanao ay malubha pala ang nararanasan ng mga taong nasa ilalim ng Martial Law. Pinapalabas sa midya na ipinatupad ito para sa proteksyon at kapayapaan ng bansa ngunit kasalungat ito ng totoong nangyayari sa Mindanao. Nakatulong ang kampuhang ito sa pagbibigay ng impormasyon at pagbubukas ng isipan ng ibang Pilipino na nararapat itigil ang Martial Law at hindi dapat hayaan na maipatupad ito sa buong bansa.
Pinagkakaitan ang mga komunidad ng Lumad ng mga social services mula sa gobyerno tulad ng mga pampublikong paaralan at mga pagamutang bayan. Bilang solusyon, nagtayo ang ating mga kababayan ng mga Lumad schools na pinangunahan ng mga taong simbahan. Edukasyon ang kanilang naging armas sa kabila ng depribasyon dahil ito ang magiging susi upang matutunan nila kung paano nila mapalalakas ang kanilang kakayahan sa paglaban ng kanilang karapatan. Nagkaroon ng Bakwit schools upang bigyang impormasyon ang ibang mamamayan na hindi makatarungan at makatao ang pagtrato sa kanila ng mga sundalo ng dahil sa Martial Law. Sa pamamagitan nito, matutulungan natin sila na gumawa ng kilos protesta laban sa Martial Law upang makamit nila ang kalayaan na nararapat para sa kanila. Para sa amin, walang sinuman ang dapat na pagkaitan ng kalayaan sapagkat pantay-pantay tayong mga tao at mga Pilipino.
Gayunpaman, bago pa man naging kung ano ito ngayon, marami ng napagdaanan ng mga bakwit school. Ang mga paaralang ito sa Mindanao ay pinapasukan ng mga Lumad. Ang Lumad ay isa sa walong panguhing katutubong grupo, na kinabibilangan ng 18 etnikong tribo, sa Pilipinas. Sa kasalukayan, dahil sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno, nagtayo sila ng sarili nilang “Lumad schools”, kung tawagin, upang makatulong sa kanilang pag-aaral at sa kapwa. Ngunit dahil patuloy silang pinapaalis sa pamamagitan ng pagbobomba at paghahasik ng giyera sa kanilang lugar, napilitang itigil ang operasyon ng kanilang paaralan, na kalauna’y nagdulot ng pagkawasak ng mga ito. Ang kinatatayuan ng kanilang paaralan ay ginawa na lamang kuta ng mga sundalo. Maraming eskwelahan ang nawasak at ginawang kampo ng mga sundalo. May iilang guro ang nakulong dahil sa maling paratang at mahigit 500 mag-aaral ang tinakot para mapaalis, na pinangunahan mismo ng Pangulong Duterte.
Ayon sa isang Lumad, wala pa man ang Martial Law at ang administrasyon ni Duterte ay masahol na ang trato sa kanila. Simple ang kanilang pamumuhay at karaniwang trabaho ng nakatatanda ay pagsasaka. Ang kabataan naman ang pumapasok sa mga lumad school na, ayon sa kanila, ay salat sa gamit pang-paaralan. Wala silang gaanong libro at maayos na silid hindi gaya ng mga silid-aralan sa Kamaynilaan na airconditioned. Hindi rin parehas ang pinag-aaralan nila sa mga ordinaryong mag-aaral. Ang kanilang pamayanan naman ay hindi gaano kalaki. Walang barangay health clinics, public schools at ospital. Hindi dahil malayo, sab inga ng tagapagsalita ng mga Lumad, kaya namang gawan ng paraan kahit may kalayuan na makapagtayo lamang ng mga pampublikong imprastraktura ngunit hindi iyon mangyari dahil hindi inaaksyunan ng gobyerno. Kaya’t nagkaroon ng Lumad Schools, na itinayo ng mga taong simbahan, upang mapag-aral nila ang kanilang mga sarili.
Naiiba ang Lumad schools kumpara sa ibang paaralan sapagkat ang mga ito ay makabayan, makamasa, at siyentipiko. Makabayan ito dahil itinayo ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga taong simbahan at organisasyon ng gobyerno para sa mga mamamayang Pilipino na naghihirap ngunit gustong makapag-aral. Katulad natin ay may mga pangarap din sila na nais nilang maisakatuparan. Makamasa ang paaralang Lumad dahil hindi lamang ito para sa mga Lumad at Moro ngunit para rin sa ibang mamamayang Pilipino na nagnanais na makapag-aral sa libreng eskwelahan. Siyentipiko ang kanilang paaralan dahil sinusuri nila ang sanhi ng kalagayan ng lipunan. Dahil sa edukasyon, natutunan nila na bagamat sila ay nakatira sa bundok, mayroon pala silang karapatan sa lupa, pamumuhay, pag-aaral. Hindi nila hangad na magkaroon ng magarang buhay dahil nais lamang nila na makapagpatuloy sa pag-aaral at magkaroon ng tahimik at payapang pamumumuhay sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, maraming unibersidad na ang napuntahan ng Lumad Bakwit School tulad ng UST at UP. Masasabing matagumpay sila sa kanilang layunin dahil maraming estudyante rin ang nakikilahok sa mga ito dahilan upang sila’y maging malay sa tunay na nangyayari sa grupo. Isa iyon sa kanilang mga tagumpay. Bukod doon, maraming nagnanais maging miyembro o magbigay ng donasyon sa Save Our Schools network. Ngunit, kahit na ganoon, patuloy pa rin silang sa paglilipat matapos silang baliwalain noong nakaraang pagpupulong nila kasama ang presidente. Isa marahil sa mga suliraning ikinahaharap ng mga organizer at Lumad ay ang paghahanap ng paaralang magiging kampo nila. Lingid sa aming kaalaman kung may ispesipikong dahilan ba kung bakit hindi sa lahat ng paaralan ng Kamaynilaan nagkakaroon ng bakwit school. Gayunpaman, kahit nahihirapan ang ibang Lumad sa kasalukuyan nilang sitwasyon dahil sa iilang suliranin, patuloy pa rin silang sumasama sa mga bakwit school.
Halo-halo ang naramdaman namin habang nakikinig sa kwento ng mga Lumad. Pagkagalit, pagtataka, at pangangamba ang nangibabaw saamin lahat matapos malaman ang mga nararanasan ng mga Lumad sa Mindanao. Wala pa ring magandang naidudulot ang Martial Law na ipinatupad ni Duterte ngayon. Pinagkakaitan ng kalayaan at kapayapaan ang mga Pilipino. Hindi nararapat na ituring na parang hayop ang mga Lumad dahil sila ay tao rin na may mga damdamin at karapatan. Dapat ay mabigyan sila ng kalayaan na mamuhay nang maayos, makapag-aral at matupad ang kanilang pangarap. Nararapat lamang na bigyang wakas ang Martial Law upang maisalba ang kalayaan ng mga Lumads. Huwag na nating hintayin na buong Pilipinas ay makaranas muli ng Martial Law dahil wala itong magandang maidudulot na mapakikinabangan sa mga mamamayan.
Si Katkat, isang estudyanteng lumad, ay nakaranas na tinutukan ng baril habang nag-aaral. Sa bawat pag-aaral nila sa eskwelahan ay ganoon ang nangyayari. Ang mga magulang, maging ang mga guro nila ay tinutugis ng batas dahil sa mga krimeng hindi naman nila ginawa. Ang malala at nakalulungkot pa’y mismong mga sundalo ng Philippine Army ang gumagawa nito; sila na sumumpang protektahan ang lahat, sila na sumumpang gagamit lamang ng dahas kung kinailangan. Si Alpolo, ang nakapanayam namin at isa ring estudyante ng Lumad bakwit school na aming simula noong siya’y siyam na taong gulang, ay naranasang maglakad ng dalawang araw at gabi nang hindi nalalaman ang patutunguhan dahil kung sila’y titigil ay maaari silang patayin. Ang kaniyang mga magulang ay simpleng magsasaka lamang ngunit pinagbibintangan sila ng isang krimeng di nila ginawa. Siya mismo, pati ang kaniyang mga kasamahang, ay napagbintangan rebelde o NPA.
Bago pa lamang magsimula ang programa, ang ilan saamin ay nagkaroon pagkakataong makausap ang ilan sa mga Lumad. Ang mga naunang salita na nanggaling mismo kanila ay agad-agad na pumukaw sa aming puso at isipan. Nakalulungkot isipin na ang mga Pilipino, lalo na ang pamahalaan ay siya pang mismong nagiging dahilan sa pagbagsak ng kapwa nilang Pilipino para lamang sa mga pansariling interes. Sa isang banda, hangang-hanga naman ako sa determinasyon at lakas ng loob na ipinamamalas ng mga Lumad sapagkat sa kabila ng trahedya ng kanilang buhay, hindi pa rin sila natitinag at handa pa rin silang ipaglaban ang kanilang karapatan sa edukasyon at sa kaligtasan at katahimikan ng kanilang komunidad. Hindi man tayo galing sa iisang tribo tulad nilang mga Lumad ngunit tayo ay galing sa iisang bansa kaya naman tayo ay dapat maging isa sa paglaban sa mga taong pilit tayong ginagawang alipin sa sarili nating bayan. Gamitin nating ang social media upang ipaalam sa mga taong walang kaalam-alam tungkol sa mga Lumad at iba pang katutubo upang mamulat rin sila sa kondisyon ng ating bayan.
May isang Lumad na pabirong nagsabing pangarap daw niya ay maging kapayapaan. May isa pang Lumad, sinasabing hindi raw siya mag-aaral hanggat hindi bumababa ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas sa kanyang posisyon. Ang ilan saamin ay hindi ganoon ka malay sa mga totoong panggyayari at balitang napapatupad at pinapakita sa telebisyon, kaya nakakagulat na malaman na mayroong mga tao talaga ng ayaw sa ating presidente. Nakaramdam kami ng matinding galit sapagkat isa kami sa nabiktima/nadala ng political censorship sa media. Gipit na ang mga Lumad sa gyera at nawala na lahat ng mayroon sila, at biglang maririnig na lang nila galing sa pangulo mismo na bobombahin ang kanilang mga paaralan. Bakit ganoon, ang ating mga kapatid na Lumad ay ipinagkakaitan ng kanilang karapatang tao at nagiging biktima sa polical persecution, extrajudicial killings, at militarization, dulot rin ng kapwa-Filipino?
Isa pa ding katanungan ay kung bakit ang gobyerno mismo ang nagpapagawa nito sa Mindanao. Lalong nakapagtataka kung ano ang tunay na ginagawa ng goberyno mismo doon sa Mindanao. Masakit isipin na may mga kabataang ka edad lang namin o kaya ay mas bata na hindi nakakapag-aral at nawawalan pa ng paaralan dahil sa gyera ng gobyerno at NPA.Nakakatulong nga ang pag protesta ngunit, sa totoo, kung titignan natin, may mga taong hindi ito binibigyang pansin. Maski ang gobyerno ignorante rin, nagbibingibingian lang. Ang daming mayayaman sa Pilipinas. Kung gusto nga nilang tumulong maaaring tayo mismo ang makakapagpatayo ng mga paaralan para sa kanila sa mga siyudad, sa mga lugar na malayo sa gyera. Pwede tayong makapagpatayo ng mga gusali na pwede nilang tirahan, na malayo sa gyera. Pero dahil nga sa ating kasakiman, paano nga nating magagawa ‘to? Sa huli wala rin tayong gagawin kundi sisihin nalang din ang gobyerno. Dahil sa katotohanan di naman natin kayang ibigay ang mga bagay na meron tayo sa mga taong ‘di naman natin kilala. Kahit gaano pa kaawa-awa ang mga sitwasyon nila.
Sabi ni Alpolo, isa sa aming mga nakapanayam na Lumad, siya ay saludo at may tinatanging respeto para sa mga kapwa Pilipino. Ninanais daw nilang mag-aral para matulungan ang kanilang mga bayang umahon, at para makapagsilbi sa Pilipinas. Nakakapagtaka at nakakamangha, na sa kabila ng pang-aalipusta at pagtatakwil kumbaga ng kanilang mga kapwa Pilipino sa kanila, ay ang pag-aalay pa ng buhay nila ang bukambibig nila para sa Pilipinas. Itong mga batang ito ang mga guro na hinahanap ng mga maralita at katutubo, ang mga doktor na hinahanap nila sa kanilang malalayong pamayanan, ang mga abogadong ipagtatanggol ang kanilang mga karapatang pantao, ngunit paano sila makakapagtapos kung hindi nga sila nakakapag-aral? Nagbabakwit na sila simula pa sa murang mga edad. Naglakad na ng walang tigil sa loob ng anim na oras dahil hindi nila alam kung mabubuhay pa sila kung sila ay magpapahinga.
Isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang pagpatay sa mga Lumad ng Mindanao ay dahil sa yaman na nakatago sa lupain ng mga Lumad. May mga mineral, na kung huhukayanin, pag-aaralan, at gagamitin ay makakatulong nang malaki sa mining company. Kaya’t isa sa mga unang dapat gawin ng pamahalaan ay ang pagpapatibay sa mga batas laban sa imperialist plunder. Panahon na sigurong bigyan ng rebisyon ang Philippine Mining Act of 1995 na nagbigay daan para sa mga dayuhang kumpanya ng pagmimina na gamitin ng lupain ng Pilipinas para pansariling interest. Dapat rin gumawa ng batas hinggil sa pagbabawal ng pangangamkam ng ancestral lands upang sa gayon ay matigil pati ang pagpatay sa mga katutubong grupo, tulad ng Lumad. Pangalawa ay ang pagbawi sa batas military sa Mindanao. Matatandaang dahil sa gulo sa Marawi kaya nagdeklara si Duterte ngunit ilang buwan matapos ang kaguluhan ay hindi pa rin inaangat ang batas military sa kapuluan. Dapat na ito’y iwaksi upang matigil ang pangaabuso ng mga sundalo. Wala na rin dapat na militarilization o iyong paghahanda ng lugar sa pagkakaroon ng military conflict at karahasan. Ang nangyayari kasi ay ang pang-aabuso ng military sa kanilang kapangyarihan. Pangatlo, huwag unahin ang interes ng dayuhan sa mga mayayamang lupain ng mga katutubo dahil higit na mahalaga ang interes at kagalagayan ng mga kababayan kaysa sa iba. At huli, ang hindi pagsulong ng pederalismo na gumagawa ngayon ng ingay sa social media. Ang pagkakaroon ng pederalismo sa pamahalaan ay maglalagay sa mga katutubo sa mas malalang sitwasyon. Mabibigyan ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan kaya malaki ang posibilidad na abusuhin nila ang kanilang kapangyarihan. Hindi na sentralisado ang pamamahala kaya’t may kapangyarihan na ang lokal na pamahalaan na mamalakad sa paarang nais nila.
Isa sa maibibigay ng mga mag-aaral o mga taga-Maynila sa Lumad Bakwit Schools ay suporta at pakikipagkapwa. Napakalaking tulong na nito sapagkat mapararamdam natin sa mga Lumad na kasama nila tayo sa kanilang laban. Hindi lang basta awa ang dapat nating gawin. Dapat ay gawin natin ang ating makakaya upang makatulong sa kapwa. Dahil hindi binabalita ng midya ang tunay na nangyayari, dapat ay malaman ng lahat ang katotohanan. Ang panliligalig, pananakot at diskriminasyon na nararanasan ng mga Lumad ay dapat malaman ng nakararami nang sa gayon ay matuto silang lumaban para sa mga katutubo at hindi na lang baliwalain ang mga ito. Makatutulong din ang pagpoprotesta para marinig ng lahat ang boses ng mga Lumad na naabuso. Ang patuloy na pagtuligsa sa maling gawain ay magdudulot ng pagbabago sa kaisipan ng nakararami na hindi lahat ng sinasabi ng midya ay totoo at marami ang naapektuhan. Ngunit dahil ipinagbabawal ang gawaing ito sa ilang insitutsyon tulad ng UST, malaki na rin ang matutulong ng mga donasyon sa Save Our Schools network.
Bilang konklusyon, nais ng grupo naming magbigay pugay sa mga Lumad na patuloy na nakikilahok sa mga bakwit schools. Hindi biro ang inyong mga karanasan, lalong hindi birong sariwain muli ang mga masasamang pangyayari sa inyong buhay sa bawat paglipat ng eskwelahan upang maibahagi sa iba. Ang inyong kalakasan ng loob at katapangan ay hindi kailanman naming makakalimutan. Nais naming sabihin na huwag sana kayo mawalan ng pag-asa. Patuloy kayong lumaban dahil ang ibig sabihin din nito ay ang patuloy niyong pagsulong ng inyong karapatan bilang, katutubo, bilang tao. Hindi niyo lamang kami nabigyan ng inspirayon at kamalayan, binigyan niyo rin kami ng dahilan upang pahalagahan pa ng husto ang mayroon kami ngayon, lalong lalo na ang edukasyon.
Sa mga kapwa naming estudyante at mamamayan, hanggang kailan pa tayo magbibingi-bingihan? Hindi pa ba sapat ang maraming buhay na nasayang dahil sa ating pananahimik. Hindi kami nanghihikayat sa pagpoprotesta. Ang nais lang naming ay himukin ang nakararami na tumulong sa mag katutubo natin sa anumang paraang tama. Sa bawat paaralan na kanilang pinupuntahan ay panibagong tao rin ang kanilang nakakasalamuha. Nais na ng marami sa kanila ang umuwi sa tunay nilang tahanan at mangyayari lamang iyon kung matitigil ang gulo sa kanilang lugar. Nakahahabag ang sitwasyon nila ngunit nakamamangha na nakakaya nilang ngumiti at magkwento. Marami marahil sa inyo ay nakarating na sa Mindanao at ang ilang kamag-anak ninyo ay positibo ang komento sa pagpapatupad ng batas military sa kapuluan. Maaaring dahil may curfew, checkpoints, at iba pa na nagpapataas ng kaligtasan. Ngunit, sinubukan ba nating magsaliksik ng tunay na nangyayari sa likod ng mga pahayag ng midya? Tunay ngang may mga bagay na maganda lang sa malayuan ngunit kung sinuring maigi ay hindi pala. Kailangan ng kritikal at radikal na pag-iisip upang masuring maigi ang sitwasyon kahit pa tayo’t simpleng estudyante lamang. Itigil ang Lumad killings! Iligtas ang paaralan ng mga Lumad at suportahan natin ang Lumad Bakwit Schools!
“Oo, maaari tayong tawagin na pag-asa ng bayan kasi lahat tayo pag-asa ng bayan. Pero para kanino ba? … Matatawag pa ba nating pag-asa ng bayan kung hindi ka na kumikilos para sa lipunan? … Mas nakakatakot iyong alam mo na ang sitwasyon pero hindi ka pa rin lumaban. Alam mo na iyong mga nararanasan nilang masakit at sobrang bangis at hindi ka pa rin kumilos; iyon ‘yong mali. ”
– Katkat, estudyanteng Lumad
